
Ibinasura ng Korte Suprema ng petisyon na inihain laban sa gobyerno kaugnay sa isyu ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Ang naturang petisyon ay inihain ng 74 na mga bata na kinatawan ng kanilang mga magulang kabilang din ang Gabriela Party-List at Association for the Rights of Children in Southeast Asia (ARCSEA) laban sa mga respondent kabilang ang Department of Health, Department of Education (DepEd), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa mga complainant, nabigo ang mga respondent na protektahan ang karapatan para sa kalusugan ng mga tinurukan sa dengue immunization program ng DOH. Giit pa ng mga ito na ginamit ang mga bata bilang guinea pigs sa kanilang eksperimento na isinagawa ng pamahalaan at pharmaceutical giant Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia.
Sa desisyon ng korte na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen na isinapubliko nito lamang Pebrero 6, nagpasya ang Korte suprema na ang paggawad ng petition for mandamus ay paglabag sa prinsipyo ng separation of powers sa pagitan ng tatlong sangay ng gobyerno na kinabibilangan ng lehislatura, ehekutibo at hudikatura.
Sinabi din ng Korte Suprema na walang supervisory powers ito sa executive departments at agencies.
Una rito, ilang reports ang naglitawan kaugnay sa ilang ill-effects ng dengvaxia kabilang ang umano’y pagkamatay na nag-udyok sa Kongreso na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa safety at efficacy ng vaccination program at procurement process. Ang napaulat na pagkamatay ay dahil umano sa dengvaxia vaccines.
Una na ring naglabas noong Nobiyembre 2017 ang Sanofi Pasteur ng impormasyon kaugnay sa dengvaxia na nagsabing ang bakuna ay beneficial lamang para sa mga mayroong prior infections habang ang mga hindi pa nainfect ng dengue virus ay maaring magdevelop ng malalang sakit matapos ang vaccination kontra dengue.