CAUAYAN CITY- Isang Korean National ang hinuli dahil sa unsolved na kaso sa South Korea.
Ang pinaghihinalaan ay si Song Yangrae, pansamantalang nakatira sa Purok 5, Salinungan West, San Mateo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Darwin John Urani , hepe ng San Mateo Police Station, sinabi niya na hinuli ang suspek ng pinagsanib na puwersa ng San Mateo police Station, CIDG Regional Field Unit 14, Korean Desk Baguio City, City Intelligenve Unit ng Baguio City Police Office at Station 8 Baguio City Police Office.
Ito ay sa bisa ng interpol red notice na inilabas ng Interpol Seoul Republic of Korea dahil sa kasong Fraud o pandaraya.
Aniya, matagal na nagtago ang suspek at nagpalipat-lipat ng lugar.
Gumamit ito ng ibang pangalan kaya nakapasok sa Pilipinas.
Dagdag pa niya na nahuli na ito noong 2016 dahil sa overstaying subalit nakatakas sa Bureau of Immigration, Bicutan Taguig kaya naman patung-patong na ang kanyang violations.
Dinala na si Yangrae sa Baguio City.