Puma yag ang South Korean firm na Miru Systems Co. Ltd na buksan sa publiko ang source code ng fully automated vote counting at audit system nito para matiyak na walang iregularidad sa pagdaraos ng 2025 midterm elections ayon sa Commission on Elections.
Isa lamang ito sa mga napagkasunduan kasabay ng paglagda ng P18 bilyong kontrata para sa Full Automation System with Transparency Audit/Count (Fastrac) project kahapon sa pagitan nina Comelec Chair George Garcia at Miru president Chung Jin-bok.
Ayon kay Comelec chair Garcia, 7 commissioners ng Comelec en banc ang pumayag na gawing bukas sa publiko ang source code, isang human readable instructions na nagdidikta kung ano ang gagawin ng computer equipment. Magiging accessible ito sa website ng poll body.
Ang naturang hakbang ay alinsunod rin sa Section 12 ng Republic Act No. 9369 o ang Election Automation Law of 2007 kung saan inatasan ang Comelec na gawing available o bukas ang source code ng automated election system technology sa sinumang interesadong partido o grupo na magsagawa ng kanilang sariling pagsisiyasat.