Hinatulang guilty ng makati regional trial court ang kontrobersyal na si Gwyneth Anne Chua o kilala sa tawag na Poblacion Girl sa paglabag sa COVID-19 quarantine protocols matapos na laktawan ang mandatoryong quarantine procedures nang dumating ito sa bansa mula sa US noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Humarap ngayong araw sa korte si Chua kasama ang kaniyang mga magulang at counsel sa Makati City Metropolitan Trial Court Branch 128 kung saan nag-plead ng guilty si Chua sa paglabag sa Republic Act 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Pinatawan ng Makati Court si Chua ng P20,000 na multa para sa paglabag nito.
Samantala, tuloy pa rin ang kasong inihain laban sa Berjaya Hotel security guard na si Esteban Gatbonton na tumulong umano kay Chua na makatakas matapos na magplead ng not guilty sa kaso laban sa kaniya.
Kung magugunita na dumating su Chua sa Pilipinas noong December 22 mula sa kaniyang trip mula Los Angeles, California.
Sa sumunod naman na araw ay dumalo ito sa isang party sa Barangay Poblacion sa Makati city sa kabila ng requirements kung saan kailangan nitong sumailalim sa isolation sa designated hotel hanggang sa makumpleto ang kaniyang period of quarantine.
Noong December 27, lumabas na positibo siya sa covid-19 kung saan 15 sa kaniyang close contacts ang nagpositibo din sa sakit.
Nauna ng ibinasura ang complaint laban sa magulang ni Chua at kaniyang kasintahan dahil sa insufficient evidence na magpapatunay ng kanilang paglabag sa probisyon na nakapaloob sa RA 11332.