CEBU – Umabot sa mahigit 200 na mga police personnel ang naka-deploy para sa mga aktibidad ngayong araw dito sa lungsod ng Cebu kaugnay sa Independence Day 2023 celebration.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Police Colonel Dalogdog, ang director ng Cebu City Police Office, sinabi nito na pasado alas 2 kaninang madaling araw ay naka-deploy na ang kanilang mga police personnel para sa buong araw na selebrasyon.
Ayon kay Dalogdog na ilalagay sa iba’t-ibang venue ng selebrasyon ang kapulisan simula pa lang kaninang alas 5 ng umaga kung saan isinagawa ang isang misa sa Fuente OsmeƱa Circle, sumunod ang Civic Military Parade at dito sa ating kinatatayuan ngayon ang Plaza Independencia ay isinagawa ang wreath-laying at flag raising ceremony.
Patuloy pa rin ngayon na naka-monitor ang pulisya sa mga posibling pagsagawa ng demonstrasyon ng mga raliyista lalong-lalo na sa kahabaan ng Colon Street, ang tinaguriang “the oldest street” ng Cebu City.
Habang, inihayag rin ng police director na patuloy ang kanilang ginagawang aksyon bilang tugon sa marching order ni Cebu City Mayor Michael Rama na simula ngayong araw, June 12 ay dapat wala nang makikitang street dwellers sa buong lungsod, gayundin ang pagpapatigil ng bandalismo.
Bago pa man ang araw na ito ay naging kontrobersyal na ang Independence Day celebration nitong lungsod dahil sa tumataginting na P11.5 million na pondo na inilaan ng lokal na pamahalaan para sa isang araw na selebrasyon.
Dahil sa walang humpay na komentaryo ng Bombo Radyo Cebu ay nagpatawag ng pagpupulong si Mayor Rama para sa nasabing aktibidad at ginawa na lamang ito na P5 million.