-- Advertisements --

Pinabubuwag ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang kontrobersiyal ngayon na Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa inihain niyang House Bill No. 10222, sinabi ni Rodriguez na kapag mabuwag na ang PS-DBM, ang national government agencies, kabilang na ang mga state-owned o controlled corporations, colleges at universitites at local government units ang siyang bahala na sa pagbili ng kanilang mga sariling supplies.

Marami na kasi aniyang issues at kontrobersiya ang nakabalot sa PS-DBM, kabilang na ang paglilipat dito ng P42 billion ng Department of Health (DOH) para sa pagbili ng face shields, face masks, personal protective equipment, at iba pang COVID-19 pandemic-related purchases.

Buko dito, nahaharap din ang PS-DBM sa alegasyon na hindi ito dumadaan sa wastong proseso nang procurement at pagbili ng mga overpriced na gamit.

Naging redundant at irrelevant aniya ang PS-DBM dahil ang pagtiyak sa tapat at tamang proseso ng goverment procurement ay nakapaloob sa Saligang Batas at Government Procurement Reform Act.

Sa kasalukuyan, mayroon naman kasi aniyang Government Procurement Policy Board at bids and awards committee sa bawat tanggapan ng pamahalaan.