
Maingat na pinoproseso na ng pagtukoy sa mga nasawi sa malawakang wildfire ang Konsulada ng Pilipinas sa pamamagitan ng fingerprints, dental at iba pang DNA records.
Ito ay sa gitna ng walang humpay na pag-contain ng firefighters at first responders sa wildfires sa isla ng Maui.
Nitong Sabado, nagbigay ng update si Consul General Emil Fernandez ng Philippine Consulate General sa Honolulu, Hawaii kaugnay sa progreso ng ginagawang pagsisikap ng konsulada para mahanap ang mga nawawalang Pilipino matapos na una ng napaulat na isang Pilipino na ang nasawi.
Aniya, malaking bahagi ng kanilang operasyon ay ang pagkalap ng mga labi at maingat na pagtukoy sa mga labi ng mga biktima na nasunog dahil sa wildfire.
Mahirap aniyang matukoy ang mga nasunog na labi dahil sa kawalan ng fingerprints at dentals kayat nakadepende na lamang sa DNA samples para matukoy ang mga ito.
Kumukuha din aniya ang mga opisyal ng Maui ng DNA mula sa mga iniulat ng kanilang mahal sa buhay na nawawala.
Humingi na rin ng pasensiya ang mga opisyal mula sa publiko dahil maingat nilang pinoproseso ang pagtukoy sa mga nasawi.
Ayon pa sa consul general patuloy na nakakatanggap ang konsulada ng nasa 10 hanggang 20 tawag kada araw simula ng ilabas nila ang advisory para sa mga nais na humingi ng assistance sa mga nawawalang Pinoy sa Hawaii.
Nitong araw ng Biyernes, una ng kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang Pinoy ang kabilang sa mahigit 100 nasawi dahil sa wildfires sa Maui island.
Ito ay ang 79 anyos na si Alfredo Galinato na tubong Ilocos region subalit naging naturalized US citizen ito matapos na mag-migrate sa Hawaii.










