CAUAYAN CITY – Iminungkahi ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na sa halip na buwagin ang party-list system sa bansa ay palakasin na lamang at ibalik sa dati nitong konsepto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, presidente ng IBP, sinabi nito na naiintindihan nila si Pangulong Rodrigo Duterte kung gusto nitong buwagin ang mga party-list subali mas mainam aniya na palakasin na lamang ang konsepto nito.
Kung titignan aniya ay magandang konsepto ang party-list system dahil isa sana ito sa pamamaraan ng mga sektor na hindi kayang sabayan ang mga political parties na mayayaman para magkaroon ng boses sa Kongreso.
Pero nasira aniya ito dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema na puwede ang kahit na sino ang maging kinatawan sa party-list nang.
Nang magkaroon kasi ng petisyon at kinuwestiyon ang mga lehitimong marginalized group ay natuklasang na mga mayayaman at politiko ang may hawak din ng mga party-list groups sa bansa.
Ayon kay Cayosa, hanggat hindi ito naitatama sa amendments ng Constitution ay ang desisyon ng korte suprema ang mamamayani.
Dagdag niya, huwag na itong ibalik sa korte suprema dahil mabagal silang magdesisyon at sa halip ay isama na lamang sa Charter change at baka sakaling maihabol pa bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman ay batid nilang mahirap itong isakatuparan dahil siguradong haharangin ng mga politiko na gumagamit sa party list kaya dito na dapat ipakita ng pangulo ang kanyang political leadership.