-- Advertisements --

Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Kongreso na palawigin ng hanggang Setyembre ang emergency powers na iginawad kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Iginiit ni Rodriguez na ipinasa ng Senado at Kamara ang Bayanihan to Heal as One Act noong Marso 24 para bigyan ang Pangulo ng kinakailangan nitong kapangyarihan sa laban sa crisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Pero ngayon aniya ay hindi pa nakikitang matatapos ang problemang ito dahil araw-araw ay mayroon pa ring naitatalang bagong kaso ng COVID-19, at hindi pa rin aniya nakakabalik sa operasyon ang buong ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Rodriguez, dahil malabong matatapos ang COVID-19 pandemic pagsapit ng Hunyo 24, 2020, kailangan aniyang palawigin ang effectivity ng Bayanihan to Heal as One Act upang sa gayon ay mabigyan si Pangulong Duterte ng karagdagang panahon para tugunan ang krisis.

“Since there is a similar proposal in the Senate, I am urging the leaders of the two chambers of Congress to consider approving the proposed extension before we go on our annual mandatory adjournment next weekend,” ani Rodriguez.

Sa oras naman aniyang pumasa ang panukalang ito bago ang adjournment ay kailangan ulit ng Pangulo na magpatawag ng special session habang naaka-recess ang Kongreso kung nais man nitong palawigin ang kanyang emergency powers.

Mababatid na kabilang sa kapangyarihan na iginawad ng Bayanihan to Heal as One Act kay Pangulong Duterte ay bigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ang 18 million low-income households para sa buwan ng Abril at Mayo.