-- Advertisements --

Humihingi ang Commission on Higher Education (CHED) ng mahigit P62 billion na pondo para sa fiscal year 2022, pero ang inirekomenda lang ng Department of Budget and Management ay higit P52 billion lamang.

Sinabi ito ni CHED Commissioner Prospero “Popoy” De Vera sa pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education.

Ayon kay De Vera, ang mahigit P9 billion nga pagkakaiba sa kanilang proposed budget at sa inirekomenda naman ng DBM ay para sa capital outlay projects sana ng CHED.

Ito ay gagamitin sana para mapagpabuti ang regional offices ng CHED pati na rin ang Transnational Education Program nila.

Sinabi rin ni De Vera na maging ang Universal Access to Quality Tertiary Education ay hindi rin nabigyan ng sapat na pondo.

Kaya naman umaapela si De Vera sa Kongreso na tulungan silang maibalik ang pondo para rito.