-- Advertisements --

Umapela si Commission on Elections chairperson George Garcia sa Kongreso na amyendahan ang probisyon ng batas hinggil sa mga nuisance candidates na nagnanais na tumakbo para sa posisyon sa gobyerno.

Ginawa ni Garcia ang naturang pahayag matapos ang naging pasya ng Korte Suprema na hindi sapat na maging basehan ang unpopularity at non-membership sa isang political party para ideklarang nuisance candidate ang isang elective office aspirant.

Panahon na ayon kay Garcia para sa Kongreso na magbigay ng updated definition kung ano at sino talaga ang nuisance candidates.

Base sa Comelec rules of Procedure Part V, Rule 24, sinumang kandidato na natukoy na walang bona fide intention para tumakbo para sa isang public office ay kapag ang election process ay magdudulot ng kasiraan, mockery o kalituhan sa mga botante dahil sa pagkakatulad ng mga pangalan ng registered candidates o ibang kadahilanan, acts o circumstances.

Maaari itong magresulta sa deklarasyon ng isang aspirant candidate bilang nuisance at pagbasura o pagkansela ng kaniyang certificate of candidacy.

Sinabi din ni Garcia na hindi sila papayag na madiskwalipika ang isang kandidato dahil lamang sa kawalan ng ari-arian o dahil sa kahirapan dahil ito ay unconstitutional at wala namang property qualifications na nakapaloob sa Saligang Batas.

Inirekomenda din ni Garcia na maghain ng criminal charges laban sa nuisance candidates sakaling mapatunayan ang kanilang dahilan ng pagtakbo sa public office ay makakasira lamang sa halalan.

Inatasan na rin aniya ang Comelec en banc na gumawa ng desisyon pahinggil sa nuisance candidacy sa Disyembre sakaling maituloy ang 2022 barangay at Sk elections.