Iimbestigahan ng House Committee on Public Information ang pagkalat ng ayon sa chairman ay “fake news” hinggil sa hosting ng bansa sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games.
Sa kanyang naging privilege speech, sinabi ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo na nakaapekto sa paghahanda ng Pilipinas sa biennial sports events ang mga maling balita na lumutang kamakailan.
Ayon kay Salo, mayroong “concerted, deliberate, organized, and seemingly malicious disinformation campaign” sa meida para siraan ang SEA Games, mga organizers nito at mismong ang Pilipinas.
Sinabi ng kongresista na may nakita siyang “pattern of fake news” sa SEA Games, kabilang na ang kikiam na umano’y pinakain sa Philippine women’s football team para sa kanilang agahan pero ang katotohanan naman pala ay chicken sausage.
“As a result of these fake news, the Philippines is painted as a complete failure in its hosting, with foreign media calling it ‘Muddle in Manila,” ani Salo.
Sa kanyang interpellation, tinanong ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor si Salo kung maaring maging criminally liable ang mga nagpapakalat ng fake news, na ayon sa huli ay puwedeng-puwede raw.