-- Advertisements --

Inirekominda ni Nueva Ecija Rep. Micaela Violago sa Kamara na silipin din ang iba pang broadcast companies na umeere pa rin kahit paso na ang kanilang prangkisa.

Ginawa ni Vilago ang naturang pahayaga sa pagdinig ng House committees on legislative franchises at good government and public accountability hinggil sa franchise issue ng ABS-CBN.

Sa kanyang manifistation, tinukoy ni Violago na mayroong mahigit 15 broadcasting companies ang umeere pa rin kahit pa paso na ang kanilang prangkisa.

“Gaya ng madalas na sinasabi ng ating Vice Chair Mike Defensor na dapat maging patas ang proseso natin, may I ask the NTC (National Telecommunications Commission) to make a proper action regarding this matter,” ani Violago.

“Bakit hanggang ngayon merong mga broadcasting companies na continuous ang paglabas nila kahit expired na ang kanilang franchises? They might also be violating labor law o tax evasion law,” dagdag pa nito.

Hinimok ni Violago ang mga kapwa niya kongresista na silipin ang mga kompanyang ito para maging patas naman sa ABS-CBN at sa publiko.

“Sana ay makita din natin ito para maging patas ito sa paningin ng ating sambayanang Pilipino nang wala tayong kinikilingan na anumang broadcasting company. Para makita rin natin kung ito ba talaga ay kalakaran na sa industriya ng broadcasting,” saad ni Violago.

Sinabi ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Jonathan Sy-Alvarado na malaya naman si Violago na maghain ng House resolution para paimbestigahan ang naturang issue.