DAVAO CITY – Nainsulto si PBA Partylist Representative Jericho Nograles hinggil sa sinasabing vote buying sa speakership race sa 18th Congress.

May kaugnayan pa rin ito sa isiniwalat ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales na aabot na sa P7 million ang vote buying sa bawat kongresista para sa speakership race.

Mariing itinanggi naman ni Nograles na may ibinigay sa kanila kapalit ng sinusuportahan na magiging susunod na lider ng Kamara.

Pinayuhan rin ni Nograles ang kanyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na maghinay-hinay sa kanilang pananalita dahil maaaring makasira ito sa imahe ng institusyon sa Kamara.