Idineklara ng Quezon City Council bilang “persona non grata” ang komedyanteng si Ai-ai Delas Alas at short film director na si Darryl Yap.
Inakusahan kasi ang dalawa ng pambabastos sa official seal ng kanilang lungsod.
Tinutukoy dito ng City Council ng nasabing lungsod ang video post online kung saan makikita ang komediyante na ginaya si Mayor Joy Belmonte at sa likod nito ang official seal ng lungsod subalit pinalitan ng pangalan.
Ang resolution ay isinumite ni District IV Councilor Ivy Lagman na inaprubahan naman ng konseho ng lungsod.
Sinabi ni Lagman na isang pambabastos sa mga mamamayan ng QC ang nasabing pagsira ng official seal ng lungsod.
Ang nasabing video ay ipinost sa Facebook post ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na naging katunggali ni Mayor Joy Belmonte sa pagka-alkalde sa katatapos lamang na halalan.