-- Advertisements --

Nagsampa ng multiple counts ng libel at cyber libel sa Quezon City Prosecutor’s Office ang isang Bureau of Internal Revenue (BIR) executive laban sa kolumnistang si Ramon Tulfo dahil sa pag-post nito ng mapanirang artikulo at video.

Ayon kay BIR Executive Assistant III Adonis M. Samson, nag-ugat ang kaso sa isinulat ni Tulfo sa kanyang column sa Manila Times maging sa mga social media posting nito kaugnay ng umano’y ellicit affair ni Samson sa isang babaeng pinangalanang Miss Angeles.

Sa artikulong lumabas noong August 6, 2019 na base sa hindi malinaw na boses ng babae at lalaking nag-uusap matapos umanong magtalik, sinabi ni Tulfo na ang babaeng nasa video ay si Angeles at ang lalaki ay si Adonis “Don” M. Samson na noong taong 2017 ay kumukuha ng short courses sa Harvard University sa Cambridge, Massachusetts USA.

Idinagdag pa ni Tulfo sa kanyang Internet post na ang babae at lalaki ay katatapos lamang sa “terrific sex” noong nai-record ang usapan na posibleng kinuhanan din ng babae.

Dahil dito, binuweltahan ni Samson si Tulfo at sinabing hindi lamang pinaratangan ng respondent na siya ay korap na government employee sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Caesar Dulay kundi pinaratangan din siyang mayroong illicit affair sa isang respetadong babae.

Ang mga isinulat daw ni Tulfo kaugnay ng illicit affairs at sexual activities ay sensationalism lamang at wala ring basehan at malisyoso pa.

Sa inihaing reklamo, naka-attach din dito ang mga photocopy ng kanyang Philippine Passport na EB7874527 mula April 15 2013 hanggang April 14, 2018 at P4579300A mula October 2 2017 hanggang October 1, 2022.

Wala umanong indikasyon sa kanyang pasaporte na bumiyahe si Samson sa Estados Unidos.

Kasama rin sa mga respondents sa kasong isinampa ni Samson ay sina Times president at CEO Dante F.M. Ang II, publisher emeritus Rene Q. Bas at editors Lynett O. Luna, Blanca C. Mercado, Nerilyn A. Tenorio at Leena C. Chua.