LAOAG CITY – Naghabulan hanggang sa binaril ng riding-in-tandem suspect ang isang kolektor ng Small Town Lottery (STL) sa bahagi ng Barangay Fortuna sa Marcos, Ilocos Norte.

Kinilala ni Police Chief Inspector Jonvale Maramag, chief of police ng Marcos-Philippine National Police, ang biktima na si Francisco Rebaola, 48-anyos at residente sa Barangay Valdez sa bayan ng Marcos.

Sinabi ni Maramag na base sa salaysay ng biktima, galing umano ito sa galyera at nang pauwi na ay may sumunod na nakamotorsiklo at naghabolan ang mga ito sa kalsada hanaggang sa mabaril.

Dahil dito, nagtamo siya ng siyam na tama ng bala ng hindi pa madetermina na klase ng baril sa kanyang likod.

Malapit umano sa ospital sa naturang bayan ang pinangyarihan ng pamamaril kaya naitakbo pa ng biktima ang saril.

Gayunman, inilipat siya sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Lungsod ng Batac dahil sa tinamong sugat.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, walang senyales na mistaken identity ang nangyari dahil batid ng mga suspek ang kanilang mismong target.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari.