Hindi raw matitinag ng COVID-19 pandemic ang kilos protesta ng labor group na Kilusang Mayo Uno sa araw ng ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang statement, sinabi ni KMU chairperson Elmer Labog, na tuloy pa rin ang martsa ng mga uring manggagawa bukas, July 27.
Pero dahil may ipinatutupad ang pamahalaan na minimum health standards protocol dahil sa pandemya, magma-martsa raw nang hindi magkakadikit, naka-face mask at magdadala ng disinfectants ang mga magkikilos-protesta bukas.
Dagdag pa ni Labog, may mga kasama silang aktibista mula sa hanay ng health care workrs na magsisigurong ligtas at masusunod ng mga protesters ang patakaran.
“Determinado ang mamamayan na singilin ang gobyernong Duterte sa kriminal na kapabayaan sa gitna ng pandemya at krisis pang-ekonomya.”
“Namumuo ang galit ng sambayanan sa palpak na pagresponde at pagbibigay-prayoridad ni Duterte sa kanyang pagbubuo ng pasistang diktadura.”
Ilan sa mga issue na asahan daw na isisigaw ng KMU protesters bukas ay ang pagtutol sa nilagdaang Anti-Terror Law, panawagang Charter Change at “kamay na bakal” na responde sa pandemic.
“Taliwas sa sinasabi nilang pagbabawal ng pampulitikang pagtitipon para sugpuin ang pandemya, ang nais lamang sugpuin ng gobyerno ay ang pagrereklamo at paglaban ng mamamayan.”
“Batay sa mga research, walang kinalaman sa pagkalat ng Covid ang pagrarali. Sila nga itong nagpapahamak sa mga locally-stranded individuals na walang physical distancing nilang pinaghihintay.”
“Basta masunod ang health protocols, malaya dapat nakapagpapahayag ng saloobin at kahingian ang masa. Ito ang kinatatakot ng gobyerno – ang magsabi tayo ng totoo.”