Naiyak ang NBA superstar na si Klay Thompson matapos na umusad na sa NBA Finals ang Golden State Warriors makaraang ilampaso sa serye sa 4-1 record laban sa karibal na Dallas Mavericks.
Una rito sa Game 5, dinispatsa ng Warriors ang Mavs sa score na 120-110.
Para kay Thompson, na siyang leading scorer sa laro na nagtala ng 32 points kasama na ang record na walong 3-pointers, sinabi nito na napakalaking bagay ang pagbabalik nila sa Finals.
Emosyunal si Thompson dahil sa dalawang season din na hindi siya nakalaro bunsod ng matinding injury na kanyang natamo.
Dumanas kasi si Klay ng torn ACL at torn Achilles.
Inamin din ni Thompson na hindi pa rin niya maipaliwanag ang nararamdaman ngayon.
“It’s hard to put into words really… This time last year I was just starting to jog again and get up and down the court,” ani Thompson. “Now to be feeling like myself feeling explosive, feeling sure in my movements, I’m just grateful.”
Huling sumabak sa Finals ang Warriors noong taong 2019 pero tinalo sila noon ng Toronto Raptors.
Sa nakalipas na walong taon, anim na beses na ring umabot sa Finals ang Warriors.