Posibleng balewalain ng United Nations Human Rights Council ang panawagan ng isang Japanese non-government organization (NGO) na palayain si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC), ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa isang statement ngayong Huwebes, Mayo 21, sinabi ng ahensiya na palaging nakakatanggap ang UN ng ganitong mga pahayag at umiikot ito bilang isang usapin ng procedure, ng walang komento o anumang aksiyon.
Hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na nagdulog ang International Career Support Association (ICSA) ng anila’y “walang basehang” claims sa UN at wala aniya sa mga nakalipas na mga aksiyon ang nagbunga ng maganda.
Ang pahayag ng DFA ay isa lamang sa iilang pagkakataon na hayagang nagbigay ito ng komento kaugnay sa kaso ng dating Pangulo ng Pilipinas simula nang arestuhin siya noong Marso ng nakalipas na taon. Madalas na ipinauubaya ng ahensiya sa law enforcement ang pagtugon sa mga katanungan ng media o di naman kaya’y pinapanindigan nito ang posisyon ng gobyerno na hindi muling umanib sa ICC.
Maaalalang noong Martes, Mayo 21, nagsumite ang NGO ng tatlong pahinang dokumento na nag-aakusa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagpaplano umano na ipadala si Duterte sa The Hague para pahinain ang pamilya Duterte bago ang 2028 elections. Hiniling din dito ang pagpapalaya sa dating pangulo.














