-- Advertisements --

Dahil sa nararanasang malakas na buhos ng ulan, suspendido na ang klase sa buong Metro Manila.

Naging basehan ng mga lokal na pamahalaan para suspendihin ang klase sa kanikanilang mga lugar ang yellow rainfall warning na itinaas ng Pagasa sa Metro Manila kaninang alas-8:26 ng umaga.

Alas-8:42 ng umaga nang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno ang suspensyon ng klase.

Sinundan ito ng iba pang mga alkalde sa Metro Manila, kabilang na ang sa lungsod ng Mandaluyong, Quezon, La Pinas, Muntinlupa, Malabon, Taguig, Paranaque, Marikina, San Juan, Caloocan, Pasig, Navotas, Valenzuela, Pateros at Pasay.

Samantala, hanggang High School lamang ang suspensyon ng public at private schools, gayundin sa University of Makati.

Sinuspinde naman ng Korte Suprema ang pasok sa lahat ng mga korte sa buong Metro Manila.

Batay sa naging announcement ng Supreme Court Public Information Office, suspended ang lahat ng korte sa National Capital Region dahil sa nararanasang malakas na buhos ng ulan simula pa madaling araw ng Biyernes.

Hinahayaan naman ng Kataas-taasang Hukuman ang mga executive judge sa iba pang lugar na apektado ng malakas ng buhos ng ulan kung sila ay magpapatupad din ng suspensyon sa mga korte na kanilang sakop.