Nagsuspendi ng mga klase ang mahigit 6,000 pampublikong paaralan sa 11 rehiyon sa gitna ng patuloy na pananalasa ng bagyong Inday at habagat nitong Biyernes, Hulyo 10.
Base sa inilabas na situation report ng Disaster Risk Reduction and Management Service, mahigit 3.6 milyong mag-aaral at mahigit 149,000 school personnel ang naapektuhan sa 52 School Division Offices sa 11 rehiyon.
Naitala ang kanselasyon ng klase sa National Capital Region, Calabarzon, Central Luzon, Mimaropa, Caraga, Cagayan Valley, Bicol, Ilocos Region, Zamboanga Peninsula, Western Visayas at Northern Mindanao.
Nakasaad din sa ulat na may ilang klase na rin ang ipinagpatuloy sa Region VI.
Bilang tugon naman, sinabi ng ahensiya na patuloy ang kanilang pagbabantay sa sitwasyon sa pamamagitan ng disaster risk reduction and management service at inatasan ang mga paaralan at field offices sa mga apektadong lugar na abisuhan ang mga mag-aaral, magulang at personnel hinggil sa safety measures at paghahanda para sa posibleng emergency, maghanda ng first aid kits at iba pang emergency supplies, at iba pa para sa kaligtasan ng mga ito.
















