-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang kitchen helper makaraang maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Lugutan, Barangay Manocmanoc sa Isla ng Boracay.

Kinilala ni P/Lt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station ang suspek na si Arnel Bolor, alyas “Bunso”, 25, residente ng Mansalay, Oriental Mindoro at pansamantalang naninirahan sa Barangay Balabag sa isla.

Ayon kay Lt. Col. De Dios, naaresto ang suspek matapos magbenta sa isang posuer-buyer ng dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,000.

Nakumpiska pa mula sa suspek ang tatlong piraso ng plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isinagawang body search.

Halos tatlong linggo umanong isinailalim sa surveillance si alyas Bunso bago ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Malay PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Aminado ang suspek na sa Roxas City niya kinukuha ang mga ibinibentang shabu.

Ipinasiguro ni De Dios na paiigtingin pa ang operasyon nito upang masawata ang mga taong nagbebenta ng ipinagbabawal na droga sa Boracay at mainland Malay.