Nabawasan ng kalahati ang “year-to-date” revenues ng Philippine tourism industry dahil sa travel restrictions na ipinatupad sa layon na maiwasan ang pagkalat pa lalo ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa pagdinig sa Senado kahapon, sinabi ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat na P79.8 billion lamang ang kinita ng tourism industry mula Enero hanggang Abril ng taong kasalukuyan.
Sinabi ni Puyat na ito ay 55 porsiyento na mas mababa kung ikokompara sa P180.52 billion na naitala sa kaparehas na period noong 2019.
Maging ang foreign tourist arrivals ay bumagsak din ang bilang sa tanging 1.3 million sa unang apat na buwan ng taon, o 54 percent na mas mababa kompara sa kaparehong period noong 2019 na pumalo naman sa 2.8 million.
Ayon sa kalihim, ang COVID-19 pandemic ay may “immediate negative effects” hindi lamang sa mga large-scale business kundi maging sa tourism stakeholders din sa micro, small and medium enterprises.
Mababatid na ang Metro Manila at iba pang “high-risk areas” ay naka-lockdown magmula noong Marso 17.
Isinailalim naman sa modified enhanced community quarantine ang ilang lugar dito noong Mayo 15 na tatagal ng hanggang Mayo 31.