Tuloy pa rin ang planong kilos protesta ng mga manggagawa sa health sector.
Ito ay upang igiit ang panawagan na ibigay ang mga benepisyong ipinangako sa kanila ng gobyerno sa gitna ng pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United na gaganapin nila ang protest action sa darating na linggo.
Aniya, kumukonsulta na rin ang kanilang grupo sa mga expertong legal hinggil sa posibleng paglatag ng kaso laban sa mga opisyal ng Department of Health (DoH).
Iginiit nito na hindi dapat na gawing dahilan ang pandemya para sa kawalan ng aksiyon ng pamahalaan.
Walang mga pagbabago sa planong protesta lalo pa’t marami pa rin sa kanilang mga kasamahan ang hindi pa nakatatanggap ng benepisyong ipinangako ng pamahalaan.
Nauna nang binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 10 araw ang DoH at Department of Budget and Management (DBM) para ibigay ang benepisyong hiling ng mga health workers.