Isinailalim na sa inquest proceedings si KC Montero at nasa 119 pang inaresto sa isang bar sa 18th-floor roof deck ng Salcedo Village sa Makati kagabi.
Ito ay upang madetermina kung kakasuhan sila o hindi kaugnay sa paglabag sa mass gathering at social distancing protocols.
Sa isang panayam, inihayag ni Colonel Oscar Jacildo ng Makati City Philippine National Police (PNP) na nahuli nila ang grupo na kinabibilangan din ng ilang British at Irish nationals habang nag-iinuman sa naturang restobar.
Wala naman aniyang nakumpiskang party drug, pero sadyang isyu ang karaniwang inuman session kung saan diki-dikit na nag mga tao at ang iba ay walang suot na face mask o anumang protective gear.
Sa panig 42-year-old ex-husband ni Geneva Cruz, maaaring nagkamali siya na hindi muna nag-research sa pagtungo sa bar upang mag-dinner lang sana kasama ang beauty queen at bagong asawa na si Stephanie Dods.
Si Dods ay 2007 Miss World New Zealand titleholder.
“That place was open before so parang feeling ko, okay. Why were they open if they’re not allowed to open? Maybe that’s my fault, I didn’t do my research. So feeling ko, they’re allowed to be open. So I went,” ani KC o Casey Wyatt Montero Miller sa tunay na buhay.
Pero inilarawan ng American disk jockey na ang pagkakadakip sa kanila ay maituturing na “backwards social distancing” dahil dikit-dikit din naman sila nang isinakay sa truck.
“That’s like backwards social distancing. They arrest us for protecting us for social distancing, tapos force us to not social distance, and then put us–did you see the truck there? That’s bad,” dagdag nito.
Sa ngayon ay depende pa umano sa resolusyon ng prosecutor na nag-inquest kina Montero kung ikukulong ang mga ito o papayagang maghain ng piyansa.
“Nasa prosecution na, e. We will abide with the resolution of the prosecutor.”
Una nang nilinaw ni Trade Sec. Ramon Lopez na hindi kasama sa mga pinapayagang magbukas sa mga lugar na nasa ilalim pa ng general community quarantine ang mga bar.