Hinihintay na ng buong mundo ang gagawing kauna-unahang talumpati ni President Joe Biden sa U.S. Congress ngayong araw, alas-8:00 ng umaga, oras sa Pilipinas.
Kahit pa magmumukha itong State of the Union speech, tumanggi ang kampo ni Biden na tawagin ito bilang State of the Union.
Inaasahang ilalatag ng Democratic presodent ang mga prayoridad ng kaniyang administrasyon para sa ikabubuti ng Estados Unidos.
Isa sa mga agenda nito ay ang “American Families Plan,” isang inisyatibo para sa social infrastructure.
Ayon kay White House press secretary Jen Psaki, ipapaliwanag ng U.S. president ang ilang impormasyon tungkol sa American Families Plan, gayundin ang pangako nito sa child care at edukasyon ng mga kabataan sa Amerika.
Nais aniyang siguruhin ni Biden na magkakaroon ng investment sa economic security mula sa federal government.
Isusulong din umano ng presidente ang reporma sa kapulisan, mahigit isang linggo makaraang hatulang guilty sa tatlong bilang ng murder at manslaughter ang dating police officer na si Derek Chauvin sa pagkamatay ng Black-American na si George Floyd.
Matapos kasi ang hatol noong Abril 20, hinikayat ni Biden ang Kongreso na ipasa ang George Floyd Justice in Policing Act. Ito raw ay isa sa mga pangako ng U.S. president sa naiwang pamilya ni Floyd na gagamitin nito ang kaniya “bully pulpit” para isulong ang naturang panukala.
Nakapaloob sa panukala ang tuluyang pagbabawal sa chokeholds at iba pang no-knock warrants para kaagad mapanagot ang mga pulis na gagamit ng dahas sa sinuman.