-- Advertisements --

Sa kauna-unahang pagkakaataon sa kasaysayan ng simbahang katolika, isinagawa ang isang makasaysayang pilgrimate para sa LGBTQ+ community bilang bahagi ng Jubilee Year 2025.

Noong Sabado, Setyembre 6, mahigit 1,000 LGBTQ+ faithful at kanilang mga kaalyado mula sa iba’t ibang bansa ang naglakad sa Via della Conciliazione patungong Holy Door ng St. Peter’s Basilica sa Vatican bilang simbolo ng pananampalataya, pag-asa, at pagtanggap.

Kasama sa prusisyon ang mga pari, madre, at pamilya ng LGBTQ+ pilgrims na nagpakita ng taos-pusong suporta.

Nagsimula ang dalawang-araw na pagninilay noong Setyembre 5 sa isang vigil sa Church of Gesù, kasunod ng misa kinabukasan na pinangunahan ni Monsignor Francesco Savino, vice president ng Italian Episcopal Conference.

Ayon sa LGBTQ+ Catholic group na La Tenda di Gionata, ang pagdaan sa Holy Door ay kumakatawan sa panahon ng pagpapalaya, pag-asa, awa… kung saan tinatawag sa pangalan, at minamahal.

Nabatid na ang pilgrimage ay bahagi ng Jubilee Year 2025, na may temang “Pag-asa”, at magtatagal hanggang Enero 6, 2026.

Bilang bahagi ng taunang selebrasyon, limang Holy Doors ang binuksan sa Roma, kabilang ang sa St. Peter’s Basilica, Rebibbia prison chapel, St. Paul Outside the Walls, St. John Lateran Basilica, at Basilica of Saint Mary Major.