-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) region 2 na nakapasok na sa rehiyon dos ang Avian Flu o H5N1 sa mga alagang manok dito sa Lunsod ng Cauayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2 na nakapasok ang Avian Flu sa isang backyard layers o paitlugan ng manok na mayroong tatlong daang capacity.

Inihayag ni RED Edillo na sabay-sabay na namatay ang dalawang daang paitluging manok habang ang isang daang natitirang buhay ay nagawang maibenta na ng may-ari.

Naalerto anya ang DA region 2 nang magpositibo sa Avian Flu sa isinagawang pagsusuri ng Integrated Laboratory sa Lunsod ng Tuguegarao ngunit dadalhin pa ang sample sa Bureau of Animal Industry ng DA Central Office DA para karagdagang confirmation.

Ayon pa kay Red Edillo nakakabahala ang pagbebenta sa isang daang paitluging manok na nagtataglay ng Avian Flu (H5N1) dahil maaaring maging transferable sa tao.

Gumagawa na anya ng hakbang ang City Veterinary Office ng Cauayan kung saan nakatakda nilang i-encircle ang lugar kung saan natukoy ang pinanggalingan ng Avian Flu at tutukuyin din nila ang pinagbentahan ng isang daang manok.

Mayroon na rin silang natanggap na impormasyon na mayroon na ring namatay na native chicken ang mga nakabili ng isang daan paitluging manok na infected ng Avian Flu

Ang Barangay Marabulig kung saan nakitaan ng Avian flu virus ang mga paitluging manok ay mayroong mga migratory birds na carrier ng Avian Flu.

Nanawagan si RED Edillo sa mga nag-aalaga ng mga manok na makipagtulungan sa DA upang masugpo ang Avian Flu sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kapag mayroong mga namatay na alagang manok.

Ito ay dahil mas mahirap anyang sugpuin ang Avian flu kapag itinatago ng mga nag-aalaga ng manok.