BAGUIO CITY – Isinasailalim na sa test runs ang isang Artificial Intelligence (AI) COVID19 CT Scan Analyzer na ipinahiram ng isang Chinese multinational technology company sa lokal na pamahalaan ng Baguio City.
Ayon kay Baguio Mayor Benjamin Magalong, matutulongan ng nasabing bagong diagnostic system ang mga doktor sa pag-detect ng mga highly suspicious COVID19 cases.
Paliwanag nito, kaya ng AI system na ma-detect ang presensia ng coronavirus sa loob lamang ng dalawang minuto, na mas mabilis kung ikokompara sa kasalukuyang screening test kits na tumatagal ng 4-5 na araw.
Sinabi niyang ang inilagay ang AI system sa Baguio General Hospital and Medical Center na isa sa subnational laboratory ng DOH para sa covid testing.
Ipinagmalaki pa ni Mayor Magalong na ito ang kauna-unahang AI COVID19 CT Scan Analyzer sa bansa.
Pinasasalamatan din nito ang mga international partners dahil sa tulong ng mga ito para mas mapadali ang trabaho ng mga medical front liners ng City of Pines.