-- Advertisements --

Umuugong ang mga balita tungkol sa hiwalayan ng pop star na si Katy Perry at aktor na si Orlando Bloom, matapos ang halos siyam na taong relasyon, ayon sa ilang international media outlets.

Bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa dalawa, nagsimula ang espekulasyon nang dumalo si Bloom mag-isa sa kasal nina Jeff Bezos at Lauren Sánchez sa Mallorca kamakailan. Hindi nakita si Perry sa okasyon, at ayon sa mga source na nakausap ng People Magazine, “pretty much done” ang aniya’y relasyon ng dalawa.

Lalo pang lumakas ang usap-usapan matapos mapansin ng mga fans na matagal nang hindi nakikitang magkasama ang dalawa, at wala ring pag-tag o post sa kanilang social media at mga interview.

Ayon sa mga source, isa sa mga dahilan ng kanilang paglalayo ay dahil naging busy si Katy sa kanyang world tour na nagsimula noong Abril at tatagal hanggang Disyembre 2025.

May ulat din na hindi umano sinang-ayunan ni Bloom ang desisyon ni Katy Perry na sumali sa isang all-female space mission ng Blue Origin.

Sa isang concert nito sa Australia, nagpahiwatig si Perry ng pinagdadaanang pagsubok. Bago niya kantahin ang isang ballad.

“If you’re going through a breakup, this one’s for you.”

Magugunitang nagkakilala sina Perry at Bloom noong 2016 sa isang Golden Globes afterparty. Nagkahiwalay sila noong 2017 ngunit nagkabalikan rin makalipas ang ilang buwan. Na-engage sila noong Valentine’s Day 2019 at isinilang ang kanilang anak na si Daisy Dove Bloom noong 2020.

Sa mga nakaraang taon, naging bukas ang dalawa sa mga pagsubok ng kanilang relasyon, kabilang na ang pagsailalim sa couples therapy.