-- Advertisements --

BAGUO CITY – Nagtutulungan ang mga Indigenous Peoples (IPs) sa Kalinga para makaipon ng perang ipambibili ng mga ventilators para sa mga COVID-19 patients.

Ito ay kahit nananatiling COVID-19 free ang Kalinga.

Ayon kay National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Community Development Officer Mai Lani Labo, inilunsad ang isang fund raising drive para makabili sila ng ventilators at pangunahing hinihikayat na magbigay ng boluntaryong donasyon ang mga katutubong may kakayahan.

Aniya, sa pamamagitan ng “Dagup o Chagup” na isa sa mga tradisiyon ng mga katutubo sa Kalinga ay nakaipon na sila ng halos P200,000 na donasyon.

Tinatayang nagkakahalaga ng P350,000 hanggang P500,000 ang isang ventilator, na makakatulong sa paggaling ng mga pasyente ng COVID-19.

Umaasa si Labo na sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay ng mga taga-Kalinga ay makakalikom sila ng sapat na halaga para sila’y makabili ng ventilator.