Inihalintulad sa isang kawayan ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang katatagan ng mga Pilipino sa pagharap ng mga pagsubok na dala ng taong 2020.
Sa kaniyang online program “Counterpoint,” sinabi ni Panelo na hindi basta-basta natitinag ang mga Pinoy sa anumang dagok na dala ng panahon, maging kalamidad man ito o health crisis.
Kahit aniya nahaharap ang bansa sa iba pang problema tulad ng korapsyon, kahirapan, terorismo, drugs at krimen ay nananatili pa rin ang pagmamahal ng publiko sa Pilipinas.
Binigyang-diin din ni Panelo ang nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na naging mahirap para sa lahat ang taong 2020 sa kadahilanang marami ang namatay at nawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic at sunod-sunod na kalamidad.
Sa kabila nito ay umaasa raw si Panelo na hindi mawawala ang pag-asa sa puso ng bawat isa at maniwala na may magandang hatid ang taong 2021 para sa lahat.