Binatikos ngayon ni Senator Leila De Lima ang Department of Justice (DOJ) at sinabing tila sinusubukan daw nitong ilibing ang katotohanan sa halip na hanapin ang katotohanan.
Ito ay matapos na manindigan ang DOJ na hindi nito iaatras ang mga kasong mga kaugnayan sa ilegal na droga na isinampa laban sa senadora.
Sa isang statement, sinabi ni De Lima na hindi na dapat pang kuwestiyonin ang katotohanang inamin nina Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos at self-confessed drug lord Kerwin Espinosa.
Aniya, ang desisyon ng DOJ na patuloy siyang ikulong sa kabila ng pagbawi ng dalawa ang nagiging kuwestiyonable ngayon pagdating sa katapatan sa hustisya ng kagawaran.
Marami aniyang kataka-taka sa mga kaso laban sa kanya at hindi aniya kabilang dito ang naging pag-amin ng mga testigo na sina Espinosa at Ragos.
Naniniwala ang sendora na ang mga salaysay ng dalawa ang tanging patunay na ang katotohanan ang palaging mananaig.
Magugunita na taong 2017 nang makulong si De Lima sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, sa Quezon City.