Inihain ang mga reklamong kriminal laban sa suspek na inakusahang pumatay sa Golden retriever na si Killua sa Camarines Sur.
Kumatawan sa mga complainant na owner ni Killua na si Vina Rachelle Arazas at Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ay si executive director Anna Cabrera na siyang naghain ng complaints sa Naga City prosecutor’s office laban kay Anthony Solares.
Kinasuhan si Solares ng paglabag sa Republic Act 8495 o Animal Welfare Act at RA 9482 o ang Anti-Rabies Law.
Matatandaan na pinatay ni Solares ang golden retriver na si Killua noong Marso 17 sa kadahilanang agresibo umano ang aso.
Subalit pinasinungalingan ng PAWS ang claims ni Solares at sinabing makikita sa CCTV footage na hinahabol niya ang golden retriever.
Kayat wala aniyang rason para patayin niya si Killua sa karumal-dumal na paraan dahil wala naman itong sinasaktan na sinuman.
Patuloy naman ang paghahain ng mga complainant ng kaso laban kay Solares kahit lumabas na positibo sa rabies si Killua base sa pagsusuri ng Bureau of Animal industry.
Kaugnay nito, muling namang binuhay ng rights group na Animal kingdom Foundation ang panawagan nito para sa pagpasa ng panukalang batas sa Senado para sa pagpapaigting pa ng Animal Welfare Act sa gitna ng mga napapaulat na karahasan sa mga hayop.