Ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagbasura sa kasong graft na inihain mahigit 30 taon na ang nakakalipas laban kay dating Senate president Juan Ponce Enrile at ilang kilalang mga negosynate may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng pondong P840.7 million sa coconut levy funds.
Dinismiss din ang mga kaso na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) na dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban sa mga negosyanteng sina Jose C. Concepcion, Rolando dela Cuesta, Narciso M. Pineda at Danila S. Ursua dahil sa paglabag ng kanilang karapatan para sa manilis na disposisyon ng kanilang mga kaso.
Ang criminal charges naman laban kina Eduardo M. Cojuangco Jr., Jose R. Eleazar Jr., Maria Clara Lobregat, at Augusto Orosa ay ibinasura dahil sa pagkamatay ng nasabing mga indibidwal.
Una rito, noong 1998, nauna ng dinismiss ng Office of the Ombudsman ang naturang charges na nagbunsod para sa paghahain ng petisyon sa Supreme Court.
Sa naturang reklamo, sinasabing sinamantala umano ni Cojuangco ang pagiging malapit nito sa dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. para sa kaniyang personal na interes at negosyo sa pamamagitan ng pag-isyu ng paborableng decrees.
Ipinasok umano ni Cojuangco Jr ang gobyerno sa isang kontrata sa pamamagitan ng state-run na National Investment and Development Corporation (NIDC) at sa pamamagitan ng kaniyang Agricultural Investors, Inc. (AII) sa ilalim ng mga kondisyon kung saan dehado ang pamahalaan at umano’y pakikipagsabwatan nito sa iba pang respondents na noon ay mga miyembro ng board of directors ng United Coconut Planters Bank (UCPB).
Samakatuwid, nilabag aniya ng the National Investment and Development Corporation at ng United Coconut Planters Bank board members ang kanilang tungkulin bilang administrator-trustees ng Coconut Industry Development Fund (CIDF) nang mapaulat na magsabwatan ang mga ito para gamitin ang pondo ng coconut levy fund sa negosyo ni Cojuangco Jr.