Ibinasura na ang kasong frustrated homicide laban sa kontrobersiyal na SUV driver na suspek sa hit and run sa isang security guard sa Mandaluyong city noong nakalipas na taon.
Ito ay matapos na nakipag-areglo ang sekyu na si Christian Floralde sa akusado SUV driver na si Jose Antonio Sanvicente.
Ayon kay Atty. Federico Biolena, co-counsel ng sinagasaang security guard na tinanggap na ng kaniyang kliyente ang settlement money mula sa driver ng SUV dahil mas malaki aniya ang naibigay na financial assistance kumpara sa kaniyang dalawang taong sahod bilang security guard.
Tinanggap din aniya ng kaniyang kliyente ang depensa ng akusado na pawang aksidente lamang ang nangyari at hindi niya sinasadya ang pagkasagasa kay Floralde.
Tumanggi naman itong isiwalat pa kung magkano ang ibinigay na settlement money sa kaniyang kliyente.
Sa ngayon, wala na aniyang komunikasyon pa si Atty. Biolena sa kaniyang kliyente mula nang magpasya itong tanggapin ang settlement money noong Agosto o Setyembre ng nakalipas na taon.
Una rito, nakuhanan sa isang dashcam video at kumalat online ang pagsagasa ng SUV na minamaneho ni Jose Antonio Sanvicente sa sekyu na si Floralde.
Nadiskubre ng proseksuyon na mayroong probable cause para sampahan sa korte si Sanvicente ng frustrated homicide na mayroong intensiyon na patayin si Floralde. Sinabi din ng prosekusyon na hindi nito binagalan ang bilis ng takbo ng kaniyang sasakyan o huminto man lang o lumihis ng direksiyon matapos na mabangga nito si Floralde.
Subalit umapela ng not guilty si Sanvicente sa inihaing kaso laban sa kaniya at sinabi ng kaniyang abogado na aksidente lamang ang nangyari.