Tumaas ang kaso ng measles o tigdas sa buong bansa ayon sa ulat mula sa Department of Health (DOH).
Sa latest Disease Surveillance Report ng ahensiya, nagpapakita ng sinyales ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng measles sa unang buwan pa lamang ng 2023.
Nakapagtala ng kabuuang 59 kaso ng measles noong Enero na mas mataas kung ikukumpara sa naitalang 8 measles cases sa parehong period noong nakalipas na taon.
Karamihan sa mga naitalang kaso ay mula sa Zamboanga Peninsula na nasa 13 sinundan ng Ilocos region na nasa 8 at Calabarzon na nasa 7.
Sa kabutihang palad naman walang napaulat na namatay noong Enero.
Una ng iniuri ng DOH na nasa high risk para sa measles outbreak ang lahat ng 17 rehiyon sa bansa dahil sa mababang immunization rates sa mga bata sa nakalipas na mga taon.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang tigdas ay isang lubhang nakakahawang virus na nabubuhay sa mucus sa ilong at lalamunan ng isang nahawaang indibidwal. Maaari itong maikalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing dahil sa malalaking respiratory droplets.
Ang mga sintomas nito ay tuyong ubo, sipon, namumulang mga mata, lagnat, pasantabi po (diarrhea) at pantal na kumakalat sa buong katawan.
Ilan lamang sa mga paraan para maagapan ang tigdas ay ang pagbabakuna at pagbibigay ng Vitamin A supplement para sa mga btang 9 na buwang gulang gayundin ang paghuhugas ng kamay para hindi maipasa ang virus ng tigdas.