-- Advertisements --
DOH

Tumaas ang mga kaso ng dengue sa mga lugar na sinalanta ng nagdaang mga bagyo ayon sa Department of Health (DOH).

Kung ikukumpara sa nagdaang dalawang linggo, ang kaso ng dengue mula Hulyo 2 hanggang 15 ay pumalo sa 9,877.

Ang mga lugar na sinalanta ng nagdaang mga kalamidad sa Ilocos, Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas at Eastern Visayas ay nakapagtala ng 1,159 kaso.

Sa nabanggit na rehiyon, ang Cagayan Valley ang nakapagtala ng pinakamataas na pagsipa sa mga dinapuan ng dengue sa nakalipas na tatlong linggo na nasa 46%.

Ayon sa DOH, posibleng magpatuloy pa ang pagtaas ng mga kaso dahil sa mayroong hindi pa natatanggap na reports at dahil na rin sa matinding pag-ulan at baha na naranasan sa mga nagdaang linggo.

Mula noong Enero hanggang Hulyo 29 ng kasalukuyang taon, tumaas ang kabuuang kaso ng dengue sa bansa sa 90, 320 cases.

Una ng inihayag ni Health Secretary at spokesman Eric Tayag na posibleng mangyari muli ang dengue outbreak dahil na rin sa climate change.

Kayat patuloy ang paalala ng health authorities sa publiko na ugaliin ang 4S strategy para maiwasang madapuan ng dengue. 

Una, search o hanapin at lansagin ang pinamumugaran ng mga lamok, ikalawa, secure self-protection, ikatlo, seek early consultation at ikaapat, suportahan ang fogging at pag-spray sa hotspots areas ng dengue.