-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nakapagtala ng 32 porsyentong pagbaba ang bilang ng mga kaso ng dengue sa probinsya ng Pangasinan sa parehong panahong noong nakaraang taon ayon sa datos ng Provincial Health Office.

Ayon kay Dra. Anna De Guzman ng naturang health office, sa kasalukuyan ay nasa 994 na ang naitalang kaso ng naturang sakit at nasa 5 na ang nasawi.

Noon naman aniyang nakaraang taon sa parehong panahon ay nasa 1,475 ang naitalang kaso at 3 ang nasawi.

Habang noong Enero hanggang Marso ay nakapagtala ang probinsya ng mataas na kaso ng dengue ngunit pagsapit naman ng Abril hanggang sa kasalukuyan ay bumaba na ang mga kaso ng naturang sakit.

Paliwanag ni Dra Anna, sa panahon ng tag-ulan at mga pagbaha, hindi umano dengue ang kanilang pinakabinabantayan dahil hindi tubig baha ang gustong pangitlugan ng mga lamok kung kayat hindi gaanong nararamdaman ang pagtaas ng kaso nito sa panahong ito.

Subalit, ibinabala pa rin nito ang posibilidad na dumami ang kaso nito dahil posible namang pamahayan at pangutlugan ng mga ito ang mga lugar o bagay na maaaring maimbakan ng mga tubig-ulan.

Nagpaalala rin ang kanilang hanay sa mga dapat na gawin upang maiwasan ang sakit na ito kabilang ang kanilang tinatawag na 5s, gaya na lamang ng seek early consultation; search and destroy; self-protection measures; support indoor and outdoor spraying o fogging; at ang stay hydrated na idinagdag sa 4s na kinakailangang sundin.

Kaugnay pa nito na sa kasalukuyan, mga bata pa rin ang edad na may pinakamaraming naitatalang kaso ng dengue.