CAUAYAN CITY – Patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, ayon sa OCTA research Group.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Guido David ng OCTA research Group na napapansin nila na magmula noong unang linggo ng Hunyo hanggang ngayong buwan ng Agosto ay patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi rin ni Dr. David na tumataas na rin ang positivity rate sa Cagayan at Isabela.
Halos nationwide ang pagtaas ng kaso pangunahin na sa Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, Benguet, Camarines Norte, Albay, NCR, Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas, Northern Mindanao at Davao Region.
Ang nakikita nilang dahilan kaya tumagal ang surge sa bansa ay ang paghina o pagbaba ng anti bodies ng mga nabakunahan at ang presensiya ng BA2.75 na posibleng mas nakakahawa kaysa sa BA.2 at BA.4.
Kailangan anyang magpa-booster shot upang mapataas ang anti-bodies ng mga nauna nang nabakunahan.
Posibleng dahilan din ng pagtaas ng kaso ay ang dumaraming sumailalim sa RT-PCR at Antigen test at ang dumaraming nahahawaan.