-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umakyat na sa labing-apat (14) ang kaso ng kumpirmadong kaso ng coronavirus infectious disease sa Region 12 matapos na nadagdag ang pinakaunang kaso sa lungsod ng Koronadal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Arjohn Gangoso, health education and promotions officer ng DOH 12, sa nasabing bilang lima ang nagmula sa lungsod ng Cotabato, 3 sa Sultan Kudarat, 2 sa South Cotabato, 2 sa North Cotabato, 1 sa lungsod ng General Santos at 1 naman sa lungsod ng Koronadal.

Napag-alaman na apat sa mga nagpositibo ay dumalo sa sabong sa lungsod ng Davao habang ang iba naman ay kasama sa mga Islam preachers na dumalo sa isang religious gathering sa Malaysia.

Kaugnay nito, napag-kasunduan umano ng mga opisyal sa buong rehiyon na palawigin pa ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine hanggang sa Abril 30, 2020.

Ayon kay DILG-12 Regional Director Josephine Leysa, kapakanan ng mga mamamayan sa buong rehiyon dose ang iniisip ng mga opisyal kaya’t kooperasyon ng lahat ang hinihihiling at panawagan nito.