Ibinasura ng Korte ang kasong kriminal laban kay Jeremiah Orallo, 28, matapos matukoy na kulang ang ebidensiya ng prosekusyon upang patunayan ang akusasyon beyond reasonable doubt.
Sa desisyon ng hukuman, binigyang-diin ang kakulangan ng competent evidence sa entrapment transaction, testimonial deficiencies, at kabiguan ng prosekusyon na patunayan ang essential elements ng panlilinlang at pinsalang idinulot.
Ayon sa desisyon, hindi napatunayan ng prosekusyon ang material allegations kaugnay ng umano’y entrapment transaction dahil ang mga testigo ay walang sapat na personal na kaalaman sa actual na nangyari.
Dagdag pa rito, ilang pahayag ay itinuring na hearsay at kulang sa bigat bilang ebidensiya.
Hindi rin napatunayan na si Orallo ay nagkunwaring engineer sa paraang naging pangunahing dahilan upang magbigay ng pera ang complainant.
Bukod dito, kulang ang ebidensiya upang patunayan ang pinsala o prejudice na dulot ng akusasyon, kahit sa antas ng tangkang panloloko.
Sa kabuuan, idineklara ng Korte na hindi sapat ang ebidensiya upang suportahan ang indictment, kaya’t ibinasura ang kaso laban kay Orallo.
Kung maaalala naaresto si Orallo ng Pasig City Police sa isang entrapment operation sa Brgy. Sto. Tomas, Pasig City.
Nahuli siyang may hawak na marked money matapos umanong magpanggap na engineer at siningil ang complainant ng P328,000 kapalit ng building permit.
Subalit batay sa nakumpiskang mga dokumento, peke ang mga pirma na ginagamit.
Ayon kay Mayor Vico Sotto, pinaimbestigahan kung may kasabwat ang naturang personalidad sa loob ng city hall.
Binalaan din niya ang publiko na huwag makipagtransaksiyon sa mga fixer at agad i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad.
Pinuri naman ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang lokal na pamahalaan ng Pasig sa mabilis na naging aksyon laban sa mga fixer.
















