Binigyang-diin ng constitutional law book author at law professor na si Atty. Jennifer Arlene Reyes na hindi makaka-apekto sa bigat ng testimoniya ni Ramil Madriaga ang kaniyang kasalukuyang kaso at ang kaniyang pagiging detainee.
Ito ay bilang kasagutan sa puna ukol sa pagbibigay ng Kamara ng mahabang oras kay Madriaga sa kabila ng kaniyang criminal background.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Reyes na itinatakda ng batas ng Pilipinas na lahat ng tao ay maaaring magsilbing testigo sa isang kaso basta’t ang mga ito ay may personal na kaalaman, anuman ang personal at criminal background ng mga ito.
Hindi rin aniya ito ipinagkakait kahit pa sa mga convicted criminal, at sa halip ay hinahayaan lamang ng korte ang kanilang pagtestigo, salig sa kanilang nalalaman sa mga partikular na kaso.
Giit ng abogado, binibigyan ng korte ng proteksyon at sapat na oras ang mga testigo para maglahad ng kanilang nalalaman, nang hindi kinukuwestyun ang kanilang background.
Nanindigan din ang abogado na tungkulin na ng defense na patunayang mali o gawa-gawa ang mga pahayag ng isang testigo, nang hindi na idinadaan sa pagkuwestyon sa criminal background sa isang witness.
Giit ng law professor, mas mainam na sagutin ng kampo ni VP Sara ang alegasyon ni Madriaga at patunayang hindi siya credible witness.
















