-- Advertisements --
DOF

Nagpahayag ng buong suporta ang Department of Finance (DOF) sa inamyendahang Implementing Rules and Regulations ng Maharlika Investment Fund Act.

Sa isang statement, sinabi ni Finance Secretaru Benjamin Diokno na bubuo ng oversight at risk management bodies para sa MIF.

Sinabi din nito na tiniyak sa naturang IRR ang pagkakaroon ng kasarinlan ng Board of Directors ng Maharlika Investment Corporation na siyang mamamahala sa kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa sa pagbuo ng mapagkakatiwalaang oversight at risk management bodies habang pinagtitibay ang pinakamataas na standards sa epektibong pangangasiwa ng pondo.

Ipinaliwanag din ng kalihim na pasok sa batas ang mga pagbabagong ginawa sa IRR at layuning magkaroon ng isang matatag na corporate governance structure.

Pinagtitibay din aniya nito ang commitment ng administrasyon ni PBBM para mapatakbo o gawing operational na ang pondo bago matapos ang 2023 at epektibong magbigay daan para sa full operation ng sovereign wealth fund na magbebentahe sa pangmatagalang paglago ng ating bansa.

Paborable din aniya ang timing sa pagsasapinal ng MIF dahil nagpahayag na ng interest sa MIF ang mga local at international investor.

Ginawa ni Sec. Diokno ang pahayag matapos ilabas ng Palasyo Malacanang noong Sabado ang nirepasong IRR ng MIF na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na tanggapin o tanggihan ang mga nominee na isinumite ng MIC Advisory Body para sa mga mamamahala sa sovereign wealth fund ng bansa.