CAUAYAN CITY – Nakatakdang kausapin ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang domestic helper (DH) na umano’y minaltrato ni Philippine Ambassador Marichu Mauro sa Brazil.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakauwi na ang DH at magpupunta ngayong araw sa opisina ng kalihim.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Secretary Bello, sinabi niya na hindi pa opisyal ang report na dumating sa kanya kaya hihintayin niya ang domestic helper sa kanyang opisina para personal na makausap at matanong sa totoong sinapit nito.

Ayon kay Atty. Bello, hindi klaro ang video na ipinakita sa media kaya magkokomento siya pagkatapos na lamang ng kanyang pakikipag-usap sa domestic helper.

Sinabi pa ni Bello na hindi pa niya nakausap si Ambassador Mauro.