-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kahit naka-piit na sa PNP Costudial Center sa Kampo Crame, personal na isinilbi ng Ozamis City Police Office mula Misamis Occidental ang karagdagang kaso laban kay dating konsehal ng Ozamis na si Ricardo “Ardot” Parojinog.

Batay sa impormasyon na pinaabot ni Police Lt. Col. Sherwin Lapiz, hepe ng Ozamis CPS, natanggap ni Ardot ang warrant of arrest sa kanyang kasong murder sa ilalim ng Criminal Case number RTC-8584, at walang piyansa na inirekomenda ang korte.

Ang panibagong kasong murder na inihain laban kay Ardot ay nakatakdang dinggin sa sala ni Hon. Edmundo Pintac, acting presiding judge ng Regional Trial Court 10th Judicial Region, Branch 15 ng Ozamis City kung saan naisampa ang kaso noong Marso 7, 2018.

Kung matatandaan, nagtago sa Taiwan si Ardot Parojinog matapos makatakas habang nagsasagawa ng raid ang CIDG at si dating Ozamis City Police Director Jovie Espenido sa kanilang ancestral home sa Ozamis City taong 2017 dahil sa ipinatupad na court search warrant kung saan naging madugo ang operasyon.

Napatay sa nasabing raid ang kanyang kapatid na si dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at pagkahuli ng kanyang dalawang kapatid.

Sa ngayon, apat na kaso ang hinarahap ni Ardot kabilang dito ang paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165, tatlong bilang ng murder, illegal possession of firearms, at illegal possession of explosives.