Opisyal nang idineklara ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na sa darating na Sabado, Marso 21, ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr o ang kapistahan ng pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan.
Ang naturang proklamasyon ay ginawa ni NCMF Secretary Sabbuddin Abdurahim matapos na hindi masilayan ang new moon o ang bagong buwan sa isinagawang moon sighting nitong Huwebes, Marso 19.
Ayon kay Abdurahim, ang aktibidad ay isinagawa sa tulong ng Department of Science and Technology State Weather Bureau Bangsamoro Darul Ifta’ (BDI), at iba’t ibang grupo ng ulama sa bansa.
Dahil hindi nakita ang hilatsa ng buwan, itutuloy ang pag-aayuno hanggang sa Biyernes bago ang pormal na selebrasyon sa Sabado.
Sa gitna ng anunsyo, nagpaabot ng mensahe ang kalihim na ang Eid’l Fitr ay isang sagradong panahon para sa pasasalamat, pagkakaisa, at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Samantala, mananatili namang holiday sa buong bansa ngayong Biyernes, Marso 20, batay sa naunang deklarasyon ng Malacañang bilang pagkilala sa kahalagahan ng nasabing okasyon para sa komunidad ng mga Muslim sa Pilipinas.
Ang Eid’l Fitr ay isa sa dalawang pinakamahalagang pagdiriwang sa relihiyong Islam, kung saan nagtitipon-tipon ang mga mananampalataya para sa espesyal na panalangin at pagsasalu-salo matapos ang isang buwang fasting.













