Naisumite na raw ng Department of Health (DoH) sa Food and Drug Administration (FDA) ang karagdagang ebidensiya sa pagiging epektibo ng booster shots at karagdagang doses ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nagkaroon daw sila ng pagpupulong sa mga eksperto noong nakaraang linggo para pag-usapan ang naturang issue.
Ani Vergeire, nakakalap daw sila ng karagdagang ebidensiya kaugnay ng boosters at third doses na agad naman nilang isinumite sa FDA para ito ay pag-aralan.
Una nang sinabi ni Vergeire na ipinasa na ng DoH ang kanilang letter of intent para sa kanilang aplikasyon sa emergency use authorization (EUA) sa FDA na tinatrabaho naman daw para makumpleto ang mga required na dokumento.
Kahapon nang sabihin ni Vergeire na nire-review na ng FDA ang EUA ng COVID-19 vaccines.
Pero aminado naman ang undersecretary na hindi madali ang proseso dahil sa kakulangan ng mga ebidensya.
Nilinaw naman agad ni Vergeire na ang hakbang ng FDA ay para lamang masiguro ang kaligtasan at pagiging epektibo ng mga karagdang doses.