-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Itinalaga na ang 51 local school board teachers sa ibat ibang paaralan sa Santiago City ngunit kulang pa ito para punan ang kakulangan ng guro sa Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Jonathan Fronda, Assistant School Division Superintendent ng SDO Santiago, sinabi niya na 100 guro pa ang kailangan ng kanilang dibisiyon upang matugunan ang pangangailangan ng lahat ng mga mag-aaral.

Ang 51 bagong talagang mga guro ay pasasahurin ng pamahalaang Lunsod ng Santiago dahil hindi na umano ito kakayanin ng special Education fund ng SDO Santiago.

Nangako naman ang LGU Santiago na madadagdagan pa ang mga itatalagang guro dahil kasalukuyan nang inaayos ang mga dokumentong kakailanganin ng mga guro.

Matatandaang nagkakaroon ng kakulangan sa guro sa Lunsod ng Santiago dahil sa dami ng mga enrolled students at sa bagong sistemeng pinaiiral kung saan hinahati ang mga klase alinsunod sa panuntunan ng IATF upang masunod ang social distancing.

Maliban sa kakulangan sa guro ay malaki rin ang problema ngayon sa pasilidad at kagamitan dahil kulang pa rin ang mga silid aralan at mga upuan.

Sa kabuuan ay mayroon apatnapung libong estudyante ang naka-pag enroll ngayong pasukan, patuloy namang umaasa ang SDO Santiago City na matutugunan ang naturang problema dahil maraming mga guro ang overloaded na sa trabaho.